Wednesday, March 17, 2010

Agimat ng Buhay ni: Mae Graciela D. Calija

Kadalasan sa panahon ngayon, ang mga bata ay namumulat sa kagandahan ng buhay na binabase sa mga kuwentong pampantasya. Malawak ang naibibigay nitong imahinasyon sa mga inosenteng isip na mismong pinaniniwalaan na nila. Paano nalang kaya kung isang araw ay isa ka na sa may mga kuwentong pantasya?
Sa isang liblib na lugar sa bayan ng Orenya, isang munting bahay ang nakatayo sa paligid ng mga malalaking puno. Nakatira dito sina Lola Selda at ang kanyang pinakamamahal na apong si Ysa. Maagang naulila ito ng maaksidente ang kanyang mga magulang kaya ang lola na niya ang nagpalaki sa kanya. Simula noon ay hindi na sila masyadong lumalabas. Malayo ang bahay nila sa sentro ng Orenya kaya tila silang dalawa nalang ang magkakilala. Wala na silang hihilingin pa dahil mayaman ang kanilang paligid ng mga prutas, gulay at mga hayop. Si Ysa ay hindi pumapasok sa paaralan dahil sa malayo ito at wala silang sapat na perang panggastos. Ngunit tinuturuan siya ng kanyang lola ng mga magagandang asal sa pamamagitan ng pagkuwento ng mga pangkaraniwang pangyayari na kapupulutan ng aral. Busog na busog ito sa mga kuwento ng kanyang lola kaya minsan ay pinaniniwalaan nitong mayroong mga kapangyarihan, agimat at iba pa.
Sa una ay kuntento na ito sa kung ano at paano ang buhay nila ngunit habang lumalaki na ito at nalilinang ang kanyang isip ay nagkakaroon na ito ng pag-aalinlangan sa kung bakit wala siyang mga kalaro, kaibigan o mga kakuwentuhan. Gusto niyang lumabas at mamasyal sa maraming tao ngunit hindi niya alam kung saan ang daan. Gusto niyang tuklasin at danasin ang buhay ng ibang mga tao.
Isang araw, habang ito’y namimitas ng mga sariwang gulay at mga prutas ay nakarinig ito ng himig ng isang dalaga. Hinanap niya ito hanggang sa makarating siya sa may batis at nakita ang isang mala-anghel na dalagang nakasuot ng mala-rosas na damit. Ito’y namimitas ng mga bulaklak habang kumakanta. Linapitan ito ni Ysa. Namangha ito sa angking niyang ganda. “Athena” bigkas ng malamyos nitong tinig at may inabot na kuwintas. Habang tinitignan ni Ysa ang kuwintas ay unti-unting naglaho ang dalaga. Agad na tumakbo si Ysa sa kanyang lola at ibinahagi ang kanyang nakita. Gulat na gulat ang kanyang lola ng sabihin nitong Athena ang pangalan ng dalaga. Saka lang niya napagtantong ang Diyosa ng kaalaman at karunungan ang nakita nito nang isalaysay ng kanyang lola ang kuwento ng mga Diyos at Diyosa.
Magkaagaw ang liwanag at dilim nang biglang umilaw ang kuwintas na suot-suot nito. Hinawakan niya ito at ng isang iglap ay nasa gitna na siya ng isang paaralan na nakatayo at gulat na gulat. Linibot niya ang paligid saka niya matandaan na hiniling niya kanina na sana makapasok siya sa isang paaralan. Gulong-gulo ang knayang isip nang maalala niya ang dalaga na nagbigay sa kanya ng kuwintas at sa mga kuwento ng kanyang lola tungkol sa mga diyos at diyosa. Sinubukan niyang hilingin na sana mapuntahan niya ang bayan at gaya ng unang nangyari, umilaw ang hawak nitong kuwintas saka hindi na niya namalayan na nakatayo na siya sa daan na pinapalibutan ng mga mararaming bahay at naglalakad na mga mamamayan.
Bumalik siya sa bahay nila gamit ang kuwintas saka ikinuwento sa kanyang lola ang agimat na nasa kuwintas. Nag-alinlangan ang kanyang lola na baka may kapalit lahat ng mga iyon, Ngunit napagtanto nito na bakit pa niya tatanggihan kung iyon ang magpapasaya sa kanyang apo.
Sa paglipas ng mga araw ang tila parati ng wala si Ysa sa kanilang bahay dahil sa pagpunta sa iba’t-ibang mga lugar na noon ay sa panaginip lang niya napupuntahan ngunit ngayon ay mismong siya na ang nandoon. Kakaunting panahon narin ang nagugugol niya sa pagsama sa kanyang lola. Sa una ay hinayaan lang niya ito na gawin lahat ng gusto ni Ysa. Ngunit malaking bagay na ang iniiwan nito sa tuwing magpupunta siya sa mga lugar. Hindi na siya ang dating Ysa na namimitas ng mga gulay at mga prutas, hindi na niya naaalagaan ang kanyang mga alagang hayop, hindi na siya sumasabay kung kakain sila, at hindi na siya and masunuring bata na kung uutusan ng kanyang lola ay agad siyang pupunta. Malaki ang pinagbago niya nang magkaroon siya ng kakayahang makapunta sa mga lugar na pangarap niyang puntahan.
Hanggang sa isang araw ay nagkasakit ang kanyang lola dahil sa pag-ako lahat ng gawain na dati ay ang kanyang apo ang gumagawa. Hindi sana ito napansin ni Ysa hanggang sa umubo ito at naglabas ng dugo. Hinidi niya alam kung anong gagawin niya sa kanyang lola. Naisip nito na kung hindi sana siya naging mapagmadali sa mga bagay-bagay ay sana na samahan niya ang kanyang lola at natulungan sa mga gawain. Napagtanto nitong kasalanan niya ang ngayari dahil iniwan niya ito sa tuwing kailangan niya ang kanyang tulong.
Bumalik siya sa batis at humingi ng tulong sa dalagang nagbigay sa kanya ng kuwintas. Suwerte naman ng makita niya ulit ang magandang dalaga na nakaupo sa isang malaking bato.Nilapitan niya ito ang humingi ng tulong.
“Pagagalingin ko ang iyong Lola Selda ngunit kailangan mong ibalik ang kuwintas na binigay ko sa iyo,” ani ni Athena.
Isinauli na niya ang kuwintas at pagkarating sa kanilang bahay ay nakita na niyang nakatayo ang kanyang lola at nagluluto ng kanilang hapunan. Laking salamat nito dahil gumaling na ang kanyang lola. Humingi siya ng paumanhin sa lahat ng pagkakamali niya at nangakong hindi na niya ito iiwan. Sinabi na rin niyang binalik na niya ang kuwintas dahil napagtanto nitong ang kagandahan ng buhay ay wala sa hawak na agimat kundi sa mga taong nagmamahal at patuloy na nag-aalaga sa kanya. Laking pasalamat din niya dahil sa kaunitng panahon ay naranasan niyang mabuhay ng may kakaibang kapangyarihan upang matupad lahat ng kanyang mga pangarap.
At ngayon ay balik na ulit siya sa dati at normal na pamumuhay kasama ng kanyang mahal na mahal na lola.

No comments:

Post a Comment