Saturday, March 13, 2010

Ang Simula

sa panulat ni: Vincent John A. Alipio

Si Jay-R ay isang masipag, matulugnin, magaling at simpleng tao. Pero hindi siya marunong sa pakikipag salamuha sa kapwa sapagka’t siya ay mahiyain kaya’t wala siyang mga kaibigan, sa paaralan man o sa kanilang barangay. Sa tatlong mga taon na siya ay nag-aaral sa high school, wala parin hanggang ngayon ang tinuturing niyang bestfriend. Ito ay dahil siya ay pinag-iingitan ng kanyang mga kaklase sapagka’t siya ay matalino sa lahat ng aspeto ng pag-aaral, mapa-exam, activities, practicum at marami pang iba. Lagi siyang inaaway at binabastos, pero sa ‘di mabilang na beses na nangyari ito, wala siyang lakas o tapang upang tumayo sa sariling paa. Para lang siyang lupa na inaapak-apakan ng mga tao pero hindi lumalaban. Sa kabila ng mga masalimuot na pangyayaring ito sa kanya sa paaralan, mahal na mahal na man siya ng kanyang ina na si Aling at ama na si Mang Fernando. Isali mo narin ang kanyang dalawang batang kapatid. Pero likas parin ang pagiging mahiyain itong si Jay-R sapagka’t hanggang sa bahay, lagi siyang walang himik. Pero ang lahat ng mga ito ay magbabago.

Isang araw, lumalakad si Jay-R papuntang paaralan ng nakita siya ng kanyang mga kaklase. Lumapit sila sa kanya at nagsimula na sila sa pagtutukso. Nang hindi pa sila kontento sa kanilang panunukso, nagsimula silang itulak si Jay-R hanggang siya ay nadapa sa harap ng mga maraming estudyante. Tumingin at nagsitawaan ang lahat ng mga mag-aaral na dumaraan. Hindi na matiis ni Jay-R ang kahihiyan kaya’t ito ay dali-daling tumayo at tumatakbo palayo sa pangyayari habang ang mga luha sa kanyang mga mata ay tumutulo sa kanyang mga inosenteng pisgni. Nang malamang nakalayo na siya huminto siya sa isang maganda at malaking bahay. Umupo siya sa isang kahoy na bangko at nagsimulang punasan ang kanyang mga luha gamit ang isang maliit na panyo. Napatigil siya sa kanyang ginagawa nang may nagsalitang tao. Pagtingin sa kanyang harapan, isang matanda lumantad. Tinanong siya nito kung bakit siya umiiyak.

“Iho, bakit ka naman malungkot ngayon sapagka’t maganda naman ang panahon?” tanong ng matanda.

“Wala po” sagot ni Jay-R.

“Anong wala, kitang-kita naman sa iyong mukha na may itinatago kang hinanakit at problema” sabi ng matanda. 

“Napahiya ako sa harapan ng maraming tao kanina dahil sa aking mga kaklase”sagot ni Jay-R. “Lagi nila akong tinutukso at binabastos sa paaralan.” dagdag niya.

“Eh bakit hindi ka lumalaban? Hinahayaan mo na lang na habang buhay kang tinutukso?” tanong ng matanda.
“Hindi ako lumalaban dahil alam ko na wala naman itong magandang maidudulot nito sa akin. Isa pa, kahit lumaban at pagsabihan ko sila, talagang hindi parin nila akong tatantanan. Alam ko na darating rin ang araw na sila ay magbago.” sagot ni Jay-R.

“Tama yan iho, darating na darating ang panahong pinakahihintay mo. Kunting tiis na lang bata.” sabi ng matanda.

“Oh! kailangan ko nang umalis. Eto iho, tanggapin mo ang isa kong regalo sa pagiging tapat sa akin.” nagmamadaling sinabi ng matanda.

Tinanggap ni Jay-R ang munting regalo sa kanyang mga kamay at saka itong ibinulsa.

“Pero bago po kayong umalis, ano po ang iyong pangalan?” tanong ni Jay-R.

“Malalaman mo ang aking katauhan sa muli nating pagkikita Jay-R.” sagot ng matanda at sabay umalis papasok sa loob ng maganda at malaking bahay. Sobrang nagulat si Jay-R.

“Ha? paano niya nalaman ang aking pangalan sapagka’t wala naman akong sinasabi sa kanya.” tanong niya sa sarili.

“Sobra namang misteryoso ang matandang iyon.” bulong ni Jay-R sa sarili.

Paguwi niya sa bahay sa hapon, dali-dali niyang kinapkap ang bulsa at tinignan ang iniabot ng matanda sa kanya. Isang kwentas na may nakabibighaning bato sa gitna. Nasiyahan siya sa regalo kaya’t sinuot na niya ito sa pagtulog. Mahimbing ang kanyang pagtulog hanggang nabulabog siya sa kanyang napapanaginipan. Hindi na niya nakayanan ang eksena sa kanyang panaginip kaya’t siya ay gumising na humihingal. Sa kanyang panaginip, ang kanilang bayan ay tatamaan ng isang malakas at matinding super typhoon. Ang lahat ng mga kalye ay lulubog sa baha kasali na ang mga kabahayan. Maraming mga basura ang lalantad sa baha na mag-uudlot sa pagkalat ng iba’t-ibang epidemya. Hindi lang iyon, marami pang mga masasalimuot na mga pangyayari katulad ng mga lindol, landslides, tsunamis at iba pa. Napaisip si Jay-R ng malalim ng matagal, pero sa bandang huli binalewala na lang niya. Sa sumunod na tatlong mga gabi, ganon parin ang kanyang napapanaginipan. Mga trahedyang hindi maipinta. Lalo siyang napaisip. 

“Bakit ganito ang aking napapanaginipan? Hindi ba kayang may nais na ipahiwatig ang mga pangyayaring ito? bulong ni Jay- R sa sarili.

Ipinagpatuloy niya ang pag-iisip hanggang sa naghari na ang kadiliman. Hindi na niya kinayanan sa sobrang dami ng nasa kanyang utak. Nagpasya na lang siyang matulog. Nang lumalim na ang gabi, nagsimula na naman ang kanyang panaginip sa mga masasalimuot na mga trahedya o pangyayari. Pero biglang na wala ang mga ito. Lumantad ang isang magandang babae na nakaputi at saka nagsimula itong magsalita.

“Jay-R, tulungan niyo kami, ang mga masasang mga elemento ay nakatakas mula sa Pandora’s box at ito ay papunta sa inyong mundo. Ang mga trahedya at kalamidad na inyong napapanaginipan ay maaaring magkakatotoo. Hindi kami maaaring pumunta sa lupa sapagka’t kami’y mga diyos at diyosa. Ang lupa at ang langit ay hindi maaaring magsama. At ngayon, ikaw na lang ang aming tanging pag-asa sapagka’t ikaw lang ang may kakayahan at nasa iyo rin ang isang kwentas ng kadakilaan na makakatulong sa pag-solusyon sa problemang ito. Mayroon kang dalawang araw na lang upang makontra ang mga masasamang elemento. Kunin mo lang ay libro ng Tala at doon malalaman mo ang lahat na dapat mong alamin” sabi ng babae.

Sa pagbigkas niya sa huling pangungusap, nag-iba ang kanyang anyo at naging isang matandang babae na nagbigay kay Jay-R ng kwentas at dito na siya nagising. Halos hindi na siya makapagsalita sa takot. Parang hindi na tumitibok ang kanyang puso. Nagtimbang-timbang siya buong gabi at saka napag-isipan na gagawin ang inutos ng babae sa kanyang panaginip. Naghanda na siya at saka hinintay ang haring araw. Paglutang ng araw sa kalangitan, dali-dali na siyang lumabas at tumungo sa malaking bahay na kung saan nakatira ang matandang babae. Pagdating doon, nagulat siya sa kanyang nakita. Ang dating malaki at magandang bahay ay naging luma at tibak-tibak. Ang kulay nito ay naglalaho na at kulang-kulang na ang kisame ng bahay. Parang pinaglipasan na ng pagkatagal-tagal. Lumapit na siya sa gate at saka tumuktok. Nang wala paring lumalabas sa bahay, nagsimula na siyang sumigaw hanggang sa may taong dumaan. Sinabi nito na matagal na wala ng taong nakatira sa bahay. Labis-labis na ang pagkagulat ni Jay-R. Pero dahil desidido siyang tumulong sa mga diyos at diyosa, umakyat nalang siya sa bakuran na puno ng damo. Pumasok siya sa bahay. Pagbukas niya ng pinto, lumantad sa kanya ang isang kwarto na maraming mga lumang libro, mga imahe ng mga diyos at diyosa at mga iba’t ibang mga gamit pang-ritwal. Lumapit siya sa lalagyang ng mga libro. Hinanap niya ang libro ng mga tala pero wala siyang nakita. Nang gusto na niyang sumuko, may napansin siyang isang malaking lumang libro na may na kaguhit na bituin sa harap. Kinuha niya at saka binuklat. Sa unang papel ng libro nakasulat ang “Aklat ng Tala”. Labis siyang natuwa at sabay buhat palabas ang libro. Bumalik siya sa kanilang bahay at nagkulong sa kanyang kwarto maghapon. Sa aklat, nakasulat ang lahat ng kanyang gagawin upang maging matagumpay siya sa kanyang misyon. 

Isang araw na lang ang natitira. Bilang paghahanda, pinag-aralan niya ang aklat. Dito marami siya mga natututnan. Ang kanayang unang hakbang ayon sa nakasasulat sa aklat ay dapat siyang pumunta sa langit kung saan nandoon ang mga diyos at diyosa at humingi ng mga gagamiting sandata. Upang makapunta doon, dapat pumunta siya sa puso ng gubat at saka babasahin ang isang ritwal upang ang kanayang katawan ay mapunta sa langit. Kapag nandoon na siya, sasalubong sa kanya ang hari ng araw. Lalong natakot si Jay-R pero kampante siya sa kanyang gagawin. Kinabukasan, dumilim ang kalangitan at sa lumalakas na ang hangin. Humuhudyat na ang mga masasamang elemento ay parating na sa kanila. Walang sinayang na oras ni Jay-R sapagka’t wala na siyang panahon. Maaga siyang lumabas ng bahay papunta sa isang gubat na malapit sa kanilang bayan. Pagkalipas ng isang oras ng paglalakbay, nakarating na siya sa gitna ng kagubatan. Inihanda na niya ang kanyang sarili at nagsimula na niyang basahin ang nakasulat na ritwal sa aklat. Habang binabasa niya ito, lumalakas ang ihip ng hangin. Nang nasa bandang huli na ng ritwal, kumulog ang langit at bigla siyang linamon ng liwanag. Pinikit niya ang kanyang mata dahil sa takot. Nang makalipas ng ilang segundo, dumilat na siya. Pagdilat niya, lumantad sa kanyang mga mata ang isang magandang hardin na puno ng mga makukulay na bulaklak. Naglakad siya sa palibot ng hardin hanggang sa nakasalubong niya ang isang matipunong lalake.
“Jay-R, mabuti’t nandito ka na. Sumama ka na sa akin at ikaw’y aking ihahatid sa Olympus, ang tirahan ng mga diyos at diyosa” sabi ng lalake kay Jay-R. 

“Marami pong salamat pero, sino ka ba?” tanong ni Jay-R sa kanya.

“Ako si Apollo, diyos ng araw” sagot niya.

“Ah, nagagalak akong makilala ka mahal na diyos.” sabi ni Jay-R kay Apollo. 

“Tara na at tayo’y sumakay sa aking karwahe.” sabi Apollo.

Sumakay na nga sila sa isang magislap na karwahe ni Apollo na may mga mababangis at matutulin na kabayo. Nagsimula na silang lumakbay. Sa bilis ng takbo ng mga kabayo, nakarating na sila sa Olympus. Doon , parang isang malaking palasyo. Pagpasok ni Jay-R sa loob nandoon ang mga diyos at diyosa. Nagsimula munang nagsalita si Athena, ang diyosa ng karunugnan at digmaan. Ito rin ang babaeng napanaginipan niya.

“Jay-R, nagagalak akong makita ka” sabi niya.

“Ako rin, mahal na diyosa” sagot ni Jay-R.

“Ako pala si Athena, diyosa ng karungunan at digmaan” sabi ni Athena kay Jay- R.

“Tara na, wala na tayong panahon” dagdag ni Athena.

Nagpulong na ang mga diyos at diyosa kabilang na si Jay-R. Nang matapos na, nagbigay ang mga diyos at diyosa ng tag-iisang sandata sa paggamit ni Jay-R upang maibalik ang mga masasamang element sa Pandora’s box. 

“Jay-R, kunin mo itong trident. Ilubog mo lang ito sa tubig at ito’y hihigupin ang mga masasamang element na nasa tubig” sabi ni Poseidon.

“Tanggapin mo naman itong ulap. Ihagis mo ito sa taas at kukunin naman nito ang delubyo na mula sa kalangitan.” sabi ni Apollo.

“Kunin mo itong mga buto at saka ihagis mo sa mga taniman upang bumalik ang mga tanim.” sabi ni Demeter.
“Ibibigay ko sa iyo naman ang isang pares ng tsinelas na may pakpak upang mas lalong mapabilis ang iyong pagkilos” sabi ni Hermes.

“Ako naman Jay-R, ibibigay ko sa inyo ang tapang, determinasyon at karunungan dahil ang isip at puso ay ang pinakamahalagang sanda” sabi ni Athena.

“Iyan, nasa iyo na ang lahat ng mga bagay na iyong gagamitin. Oras na para harapin ang delubyo. Mag-ingat ka Jay-R” dagdag ni Athena.

Bumalik na si Jay-R sa lupa. Nagsimula na pala ang kalamidad. Sobrang lakas ng hangin, halos hindi siya makagalaw. Sinuot niya ang bigay ni Hermes sa kanya. Ang tsinelas na may pakpak. Nang isinuot, naging matulin na ang kanyang pagtakbo. Kasing bilis ng isang Ferrari car. Nang siya ay nakarating sa kanilang bayan mas lalo pa ang nararamdamang kalamidad. Ang ilog ay humahapaw na at nagiging baha na ang boung bayan. Inulabas ni Jay-R ang trident na bigay ni Poseidon at saka inilubog ito sa ilog. Nang inilubog niya, naging kalmado ang tubig sa ilog. Humataw na ang baha. Sunod ay ang kalangitan at hangin. Inihagis niya ang ulap na bigay ni Apollo. Hinigop ng ulap ang madilim na kalangitan at ang mga malalakas na hangin. Inihagis naman niya ang mga buto galing kay Demeter sa mga palayan. Huminto na ang kalamidad at naging kalmado na ang kapaligiran. Nakuha na ni Jay-R ang mga masasamang elemento. Bumalik na siya sa mga diyos at diyosa at saka ibinigay ang ulap at trident. Inilagay nila ito sa Pandora’s box upang hindi na makatas muli ang mga delubyo. Sa panahong din yon, binigyan ng mga diyos at diyosa si Jay-R ng isang kapangyarihan. Ito ay ang malaman ang masasamang trahedya o kalamidad na magyayari sa hinaharap upang mabigyang babala ang mga tao at upang ang lahat ng mga maaaring kahihinatnan o resulta ay mapaghahandaan.

1 comment: