Sunday, March 14, 2010

Magkaibang Mundo

sa panulat ni Mark Joseph Respicio

Isang simpleng lalake si Wendell. Buhay niya ay ordinaryo lamang. Ordinaryong estudyante ngunit may kakaibang kinakahiligan, ang magsulat ng out-of-this-world na mga istorya. Nahuhumaling na rin siya sa mga bagay-bagay na antigo dahil sa impluwensya ng kanyang inang si Aling Melda. Mga aparador, comedor at mga iba’t – ibang gamit na luma ang kanilang kinukolekta.


Isang araw, matapos maligo si Wendell nakita niya ang isang lumang salamin na halos kasing tanda na rin ng kanyang lola sa talampakan. Ngunit kitang-kita pa rin ang likas nitong ganda. Pero ayaw niyang may salamin na tila may multo sa loob nito. Kaya’t tinawag niya ang kanyang nanay, “Nay, pakilabas po ‘tong salamin,” ngunit ayaw ng kanyang ina dahil wala na itong ibang paglagyan maliban sa kanyang kwarto. Habang siya ay natutulog, may naririnig siyang patak ng tubig. Kaya’t minabuti niyang tignan ito sa palikuran ng kanyang kwarto ngunit wala naman siyang nakita ni isang patak ng tubig. Bumalik siya sa higaan. Pero naramdaman niyang basang-basa sa tubig ang sahig. Nakita niyang ang tubig ay tumatagas mula sa antigong salamin. Nilapitan niya ang salamin, hinawakan at nang biglang hinigop siya nito.

Nagising na lamang si Wendell sa isang lugar na tila isang paraiso . Bughaw na bughaw ang kalangitan, talon na may mala-kristal na tubig, kapaligiran na punung-puno ng iba’t ibang bulaklak at ilog na sinasalamin ang napakabughaw na kalangitan.

Manghang-mangha siya sa kanyang namamasdan. Ang buong akala niya ay nananaginip lamang siya. Kaya’t kinurot niya ang kanyang magkabilang pisngi. Pero namilipit siya sa sakit, “Ouchh!” Namayani pa rin sa kanya ang pagkamangha sa bawat sulok na kanyang nasasaksihan. Naglakad-lakad siya sa lugar na kanyang kinasadlakan. Abot tanaw niya ang mga punong-kahoy na hitik sa mga bunga, mga bulaklak na may matitingkad na kulay habang siya ay nakaapak sa luntiang damo na bumabalot sa buong kapaligiran. Hanggang may nakita siyang isang matandang ermitanyo na may hawak-hawak na mga balde.

“Magandang umaga, ho.” Magalang na bati ni Wendell sa matanda.

Hindi kaagad tumugon ang matanda sa bati ni Wendell. Tinignan muna niya ito na wari ba ay inaalam kung kakilala ba niya ito.

“Dayuhan ka. Hindi ba?”

“Opo, hindi ko ho alam kung paano ako nakarating dito. Basta ang tangi kong natatandaan, hinigop ako ng lumang salamin at nang ako ay magising nasa tabi na ako ng talon.” Paliwanag ni Wendell.

Nagpatuloy ang usapan ng dalawa at napag-alaman ni Wendell na siya pala ay nasa Imperyo ng Agua na kasalukuyang dumaranas ng matinding unos, ang kasalatan sa tubig. Dahil sa pag usisa ni Wendell sa matanda, nalaman niya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ganoon. Ito pala ay bunga ng pagkamatay sa pantas ng Agua Zedicta na nagsisilbing puso ng imperyo dahil sa naganap na digmaan sa pagitan ng apat na imperyo; Imperyo ng Agua, Imperyo ng Hatoria, Imperyo ng Habagat at Imperyo ng Danaya.

Sa haba ng kanilang nilakbay mula sa talon na doon lang nakakakuha ng tubig inumin, tuluyan na silang nakarating sa isang lugar na akala niya ay inabandona na ng maraming taon. Iyon na pala ang sentro ng Imperyo na kabaliktaran ng kanyang inaasahan. Walang tubig na dapat sana ay sagana, tuyo’t maalikabok ang buong paligid, nagsimatayan ang lahat ng halaman at nagsilagasan ang mga dahon ng mga puno.

“Bakit ho walang ginagawa ang inyong hari para malutas ang unos na ito?” tanong ni Wendell na punong-puno ng katanungan tungkol rito.

“Si Haring Poseidon, ang punong tagapangalaga ng Imperyo ay tuluyan ng nawalang ng pag-asa dahil dantaon na ang nakalipas matapos magapi ang aming Imperyo sa pagitan ng digmaan ng apat na Imperyo. Sa labanan, namatay ang pantas ng Agua Zedicta kaya’t bunga nito ay kahirapan sa aming Imperyo,”ani ng matanda.

“Wala na ho bang paraan?” usisa ni Wendell.

“Meron, pero maraming taon na ang nagdaan pero hanggang sa ngayon wala pa rin an gaming hinihintay na tubig mula sa langit na siyang nakasulat sa Aklat ng Buhay upang bigyan ng pansamantalang lutas ang unos na ito.” Nananamlay na tugon ng matanda.

“Tubig mula sa langit? ‘Di ba’t ulan iyon?”

“Ulan ba sa inyo? Pero kung sakali mang umulan, walang tiyak na kasiguraduhan kung magiging solusyon ito sa unos na Imperyo. Ngunit ayon sa Banal na Propesiya ng Agua, mayroong hahalili sa nasirang pantas ng Agua Zedicta na siyang darating sa panahon ng karimlan.”

Napag-isipan ni Wendell na marapat niyang alamin ang mga kasagutan sa kanyang mga ibang tanong doon sa palasyo. Matapos makapagpahinga’t makaipon ng kakailanganing lakas, nilisan na niya ang tirahan ng matanda matapos makapagpasalamat. Tumungo siya sa palasyo ni Haring Poseidon at doon niya hahanapin ang ibang kasagutan.

Nakarating niya ang hardin ng palasyo at doon siya kumanta ng kumanta. May isang lalakeng sumita sa kanya dahil sa lakas ng kanyang boses.

“Pssst! Sino ka ba at ano ang iyong ginagawa?” tanong sa kanya ng lalakeng mukhang guwardiya ng palasyo dahil sa suot nitong damit-pandigma.

“Ha! Kumakanta. Bakit?”

“Kanta?Ano iyon? tanong ng naturang guwardiya na bakas sa mukha nito ang pagka-ignorante.

“Kanta. Halimbawa, ‘Minsan pa ulan bumuhos ka’t huwag ng tumigil pa…”

“Bakit ka naman kumakanta?”tanong ulit ng guwardiya.

“Dahil sa aming mundo, kapag sintonado ang kumakanta, tiyak uulan ng malakas.”

Kaya’t kumanta siya ng kumanta nang biglang umulan ng napakalakas. Nabasa ang buong paligid at nagsilabasan ang lahat ng tao na abot tanaw niya dahil nakatirik lamang ang palasyo sa taas ng bundok.

Nagulat ang guwardiya na animo’y nagulat dahil sa pagkamangha sa ginawa ni Wendell. Hinuli ng guwardiya si Wendell upang dalhin sa pinunong si Haring Poseidon.

“Aray!Bakit mo ba ako ginapos at saan mo ako dadalhin?” bakas sa mukha niya ang takot sa maaring gawin sa kanya ng guwardiya.

Hinila si Wendell papasok sa palasyo kung saan namangha siya sa kanyang nasaksihan sa kabila ng higpit na pagkahawak sa kanya nga guwardiya. Hindi siya makapaniwalang siya ay makapapasok at makakakita ng malaking chandelier na purong diyamante ang mga nakasabit, hagdanan na kung susumahin niya ay aabot sa limang libong paanan, fountain na ubod ng laki. Pero umagaw sa kanyang pansin ang isang mapang nakaguhit sa fountain na kahawig ng kanyang balat sa kanang braso.

Nakarating sila sa isang silid kung saan nandoon ang kanilang Haring si Poseidon. Nagbigay galang ang inakala niyang guwardiya pero narinig niya itong tinawag ang Hari na “ama”.

“Ama, siya po an gating pinakahihintay na taga-halili bilang pantas ng Agua Zedicta,” ani niya habang siya ay nakaluhod sa harapan ni Haring Poseidon.

“At paano mo naman nasabi iyan, Proteus?”

Ipinaliwanag ni Proteus ang lahat ng nangyari bago bumagsak ang ulan. Nandoon lang si Wendell nakikinig. Nang biglang…

“Ikaw ang matagal na naming hinihintay. Ikaw ang siyang magiging pantas ng aming Imperyo.” Nang biglang tumayo siya sa kanyang pagkakaupo.

Itinuro ng hari ang fountain na may mapa na kahawig ng kanyang balat. At iyon pala ang tanda ng siya ang matagal na hinihintay na taga-pangalaga ng Agua Zedicta base sa nakasulat sa Aklat ng Propesiya. Ayaw niyang tanggapin ang anumang nakasulat sa propesiya ngunit napaluha siya dahil bumagabag sa kanyang kalooban na matagal ng panahong pinkahihintay nila ang tagapangalaga ng Agua Zedicta at ngayon iyon ang panahong pinakaaasam nila.

Nagsalita ang Hari, “Ikaw ang siyang magdedesisyon kung ano ang siyang sinisigaw ng iyong puso’t isipan.” Bakas sa mukha ng hari ang pangamba sa maaring desisyon niya.

Nahirapan siya sa pagpili kung ano ang dapat niyang gawin; ang manatili sa Imperyo bilang tagapangalaga ng Agua Zedicta o ang bumalik sa piling ng kanyang naiwang pamilya sa kanyang mundo. Binigyan siya ng panahon na makapag-isip. Buong magdamag niyang pinagtimbang-timbang ang marapat niyang piliin. Hanggang…

“Nakapagdesisyon na po ako. Kinakailangan kong manatili dito sa Imperyo sa ngalan ng kaligtasan at nakararami.” Pikit niyang sabi dahil sa bigat na kanyang nararamdaman.

“Kung iyon ang gugustuhin mo, dapat ko nang ibigay sa iyo itong kapangyarihan na makapagpunta sa anumang lugar sa anumang panahon mo gustuhin.” Iniwasiwas ni Haring Poseidon ang kanyang hawak-hawak na baston.

“Nasa sa iyo na ang kapangyarihan ng Time Travelling. Gamitin mo ito kung gugustuhin mong puntahan ang iyong pamilya. Sa iyong panaginip, iyong mababalikan ang naiwan mong responsibilidad bilang pantas ng Agua Zedicta. At sa iyong pagising, iyong naman mababalikan ang buhay mo bilang tao.”

Nabawasan ang kanyang nararamdamang sakit sa inakala ay hindi na niya makikita ang naiwang pamilya. Bahagya siyang natuwa at iyon nga’y nanatili ang buhay ni Wendell bilang isang ordinaryong tao sa kanyang mundo at bilang pantas sa imperyo ng Agua gamit ang ipinagkaloob sa kanya ni haring Poseidon na TIME TRAVELLING.

No comments:

Post a Comment