Monday, March 15, 2010

Yara, ang batang biyaya

 Sa panulat ni Ruvie Kristine Faith Pascua
Yara. Ito ang aking pangalan. Ako’y lumaki ng walang kinikilalang tunay na ama’t ina. Ang tanging kasama ko lang ay ang diyos ng araw, si Apollo. Siya ang tinuring kong ama-amahan. Ayon sa kanya, ako’y kanyang napulot sa hardin mg bundok Olympus noong ako’y sanggol pa lamang. Walang kasama, uga ng uga at nababalutan lang ng dahon ng saging ang aking katawan. Ni minsan ay hindi ko nasilayan ang mga mukha ng aking mga magulang. Ayon kay Eena, ang taga basa ng mga nakaraang propesiya, ang aking mga magulang ay parehong mga immortal. Sila’y nagmamahalan ngunit ang kanilang mga magulang ay tutol sa kanila. Dahil matatag at totoo ang kanilang pagmamahalan, sila’y lingid na nagkikita sa hardin ng bundok Olympus. Nakita sila ni Hermes, ang mensahero ng mga diyos at diyosa at nagsumbong ito sa kanilang mga magulang. Mula noon ay isinumpa na sila ng panahon. Sila’y itinakwil at isinumpang magiging mortal at isa lang ang tanging paraan upang sila’y makabalik sa pagiging mga diyos at diyosa. Hindi naman mabasa ni Inang Eena ang nakasaad sa libro ng propesiya pagkat nasunog ang pahinang kinalalagyan ng sumpa ng minsang natamaan ito ng kidlat ni Amang Zeus.
            Ina at ama ang tawag ko sa lahat ng mga nakakatandang diyos sa akin pagkat inuturing nila akong biyaya at anak.
            Bagamat hindi na mga diyos at diyosa ang aking mga magulang, laking pasasalamat ko parin kay Amang Apollo hindi lamang sa pagkupkop sa akin kundi pati narin sa pagsang-ayon niya na binyagan akong prinsesa ng kabusilakan ng puso at tagagaling ng mga sakit. Iyon ay ayon narin sa propesiya. Ang batang babae na magkakaroon ng hugis pakpak sa kanyang mga palad ay nagtataglay ng kakaibang lakas, talino at magbibigay ng bagong pag-asa hindi lamang sa mundo ng mga diyos kundi pati narin sa lahat ng may buhay. At ang aking mga palad ay sadyang may pulang marka na animo’y pakpak ng ibon.
            Hindi lingid sa kaalaman ng mga Olympusyano na ako’y likas na manggagamot. Naging usap-usapan ang aking pangalan ng ako’y anim na taon palamang.
            Minsan, nanganak ang kapatid ni Amang Apollo, si Failyn. Nagkaroon ang kanyang anak ng malubhang karamdaman na popular sa tawag na Ketong. Ako’y naawa dahil sa kanyang mga uga at hikbi na para bang humihingi ng tulong at yakap ng malalambot na braso. Nakaramdam ako ng kakaiba sa mga pulang marka sa aking mga palad at para bang ito’y umiinit ng umiinit habang tumatagal. Wala akong kamalay-malay ng hawakan ko ang kamay ni Fitaa, ang anak ni Inang Failyn. Walang kung ano-anu’y lumiwanag ang aking mga kamay ng ilang sandali at tumigil na bigla sa pag-iyak ito. Ang mga pulang parang ang kati-kati sa balat ay biglang naglaho. Sa pagkakataong iyon ko unang nakita ang aking kakayahan…ang kakayahang mag pagaling ng mga sakit at sugat. Totoo nga ang propesiya. Mula noon ay dinayo na ako ng mga kapwa ko Olympusyano. Pati si Amang Zeus ay aking napagaling ng minsang natamaan siya ng kanyang sariling kidlat.
            Habang ako’y lumalaki at nagkakaisip, kasabay din nito ang paglakas ng aking loob na hanapin ang aking mga magulang sa ibayong mundo, ang mundo ng mga tao. Dumating ang araw at nagpasya akong hanapin ang aking mga magulang.
            “Amang Apollo, nais ko sanang hingin ang iyong pahintulot upang ako’y maglakbay ay hanapin ang aking mga magulang,” ang aking pakiusap.
            “Anak kong Yara, mahirap ang iyong binabalak. Malawak ang mundong iyong tatahakin at maaaring hindi mo makakaya at hindi ka na makakabalik pa ditto,” paliwanag ni ama.
            “Ngunit ama. Matagal ko nang pinaghandaan ang pagkakataong ito. Sana’y pagkatiwalaan ninyo ako. Nais kong masilayan ang aking mga magulang,”
            “Mahal kita anak. Kayat kahit labag sa aking kalooban ay aking ibibigay sayo ang iyong kalayaan,” mangiyak- iyak na sambit ni ama.
            Hindi ko na inaksaya ang oras at pagkatapos ng pag-uusap naming ni ama’y pinuntahan ko agad si Inang Eena.
            “Nais ko po sanang humingi ng mga palatandaan tungkol sa aking mga magulang. Ako’y maglalakbay sa mundo ng mga tao para hanapin sila at sana’y matulungan niyo po akong mapabilis ang aking paghahanap,”
            “Ganoon ba anak? Sana’y maging matagumpay ka sa iyong misyon,” sagot nito habang hinahanap ang pahina sa kanyang libro.
            Ayon sa libro, ang aking ina’y katulad ko ring may marka sa palad tulad ng sa akin at ang aking ama’y may isang marka ng maliking leon na may pakpak sa kanyang kaliwang dibdib.
            Nalaman ng lahat ng Olympusyano ang aking balak at nagdaos sila ng isang piging sa kaharian ni Amang Zeus. Sa pagkakataong iyon ay humingi na ako ng pahintulot sa hari na ako’y payagang padaanin sa hari na ako’y payagang padaanin sa pintuan ng ibang mundo na nasa kanyang pangngalaga.
            “Bilang kapalit ng mga magagandang ginawa mo sa lahat ng kapwa nating Olympusyano at paggagamot sa aning mga sakit, pinahihintulutan kitang dumaan sa pintuan ng mga mundo at bumalik kung kelan mo gusto.  Mag-ingat ka lagi mahal kong anak,” sambit ni Haring Zeus.
            Abot-langit ang aking ngiti sa aking labi ng biglang may tumapik sa aking mga balikat.
            “Wag mo sanang iisiping wala kang mga magulang pagkat lahat ng Olympusyano at tinuring kang anak. Yara, isa kang biyaya para sa amin,” umiiyak na tugon ni Inang Thea, ang diyosa ng kagubatan.
            “Salamat Ina. Wag po kayong mag-alala sa akin. Babalik po ako kasama ng aking mga magulang. Mag-ingat din po kayo,” ang aking sagot habang yinayakap siya ng mahigpit.
            Nagpatuloy ang piging at lalo pang naging emosyonal ang lahat ng dumating na ang oras ng aking pag-alis.
            Pinagkaloob sakin ni haring Zeus ang kwintas na susi sa pintuan ng mga mortal.
            Kumakaway pa ang aking mga kaibigan at ama ng ako’y pumasok sa kulay bahag-haring pintuan. Ilang Segundo lang ay…
            “Ito naba ang mundo ng mga tao?” ang tanong ko sa aking sarili.
            Ako’y nasa gitna ng isang kagubatan. Laking gulat ko nalang ng biglang may isang boses ng lalaking sumigaw ng aking pangalan.
            “Yaraa!”
            Napalingon ako at nakita ang estrangherong makisig na binata.
            “Ako si Jyno. Ako ang mortal na anak ni amang Apollo. Kinausap ako ni ama sa aking panaginip noong isang gabi at ipinaalaga ka sa amin ni Ina. Sa bahay ka muna titira hangga’t hindi mo pa tapos ang iyong pakay,” ang mabait na pakilala ng lalake.
            Sinamahan ako ni Jyno sa paghahanap habang itinuturo sa akin ang mga bagay-bagay sa mundo ng mga tao.
            Isang araw, pumunta kami sa pamilihan upang bumili ng ulam ng biglang may nabanggang bata ang isang jeep. Duguan ang bata pagkat malakas ang pagkakabangga nito. Nasaksihan ko ang pangyayaring iyon kayat kumaripas ako ng takbo patungo sa kinaroroonan ng batang. Hinawakan ko ang kangyang kamay at tulad ng dati’y lumiwanag ang aking kamay. Ilang sandali lang ay biglang gumising ang binata at tumayo na parang walang nangyaring  banggaan.
            Tinitigan ako ng bata na para bang nagpapasalamat sa aking ginawa.
            “Empong, okey ka lang ba?” ang kabadong tanong ng batang mas matanda siguro sa kanya ng dalawa o tatlong taon.
            “O..ot..otei la..ng ato tuya,” ang nag-aalanganing sagot ng bata.
            “Empong?”ang nagtatakang tanong ng kanyang kuya.
            “Kapatid mo ba siya?” ang aking tanong ngunit hindi niya ako pinansin. Bigla niyang yinakap ang kapatid sabay sigaw…
            “Nakakapagsalita na ang aking kapatid! Hindi siya pipi! Hindi na siya pipi,” habang lumulundag sa kasiyahan.
            “Tuya, magpatalamat tayo ta Tanya. Pinagaling niya ato,” ang sambit ni Empong.
            Noon ko nalaman na pipi nap ala si Empong pagkasilang palang at kahit a,e,I,o,u manlang ay hindi niya mabigkas.
            Nasaksihan ng marami ang nangyari kayat naging usap-usapan ako sa buong bayan. Maraming naniwala sa aking angking galing kayat hindi ko pinagdamot sa kanila ang tsansang mapagaling sila.
            Isang araw, nagpasama ako kay Jyno sa bahay pagamutan upang pagalingin ang mga may sakit at nagbabakasakaling Makita ko ang aking mga magulang. Gabi na noong matapos ko ang lahat. Isang kwarto nalang ang hindi ko napapasok ana Private Room 21. Papasok n asana ako ng biglang…
            “Mam, pinagbabawal po nilang pumasok ang kahit na sino diyan. Iniisip lang po naming ang inyong kapakanan,”ang sabi ng isang nars.
            Umuwi kami ni Jyno ng gutom at walang pera. Maraming nag-aalok ng pera sa akin tuwing napapagaling ko sila ngunit inaayawan ko ito. Ang tanging sagot ko lang sa kanila’y
            “Alagaan ninyo ang inyong mga sarili pagkat baka hindi ko na kayo papagalingin pa. Magdasal kayo sa Diyos at wag gumawa ng bagay na alam ninyong masama,”
            Bago ako natulog ng gabing iyon, inisip ko kung nasaan na ang aking mga magulang. Ilang buwan na akong naghahanap, ilang tao narin ang aking napagaling ngunit ni isa sa kanila’y wala akong nakitang palatandaan tulad ng kina ama at ina. Maari kayang patay na sila? Hindi maaari!
            Nagdaan ang panahon ngunit wala parin ang aking mga magulang. Mag-iisang taon at anim na buwan na ako sa mundo ng mga tao ng minsang napanaginipan ko ang kwartong hindi ko pa napapasok sa pagamutang pinuntahan naming noon ni Jyno. Kayat pagkaligo ko kinaumagahan, pumunta na ako sa pagamutan. Hindi na ako nagpasama kay Jyno dahil may klase siya. Nasa ika-apat na baitang na siya sa kolehiyo. Magtatapos na siya sa kursong Nursing. Magkasing-edad kami ni Jyno ngunit di ko na ako nag—aral pagkat iba ang paraan ng kanilang pag-aaral kung kumpara sa amin.
            Dumiretso ako sa kwartong aking napanaginipan.
            “Private Room 21,” ang aking bulong.
            “Naku. Kawawa yung dalawang pasyente diyan Yara. Ilang taon na silang nakaratay at oxygen lang ang bumubuhay sa kanila. Pero alam mo kahit wala silang malay ay talagang makikita mo ang pagmamahal nila sa isa’t isa kase magkahawak lagi sila ng kamay. Minsan nga, tinanggal naming mahigpit na pagkakahawak nila sa isa’t isa pero alam mo kinaumagahan? Bumalik na naman iyon sa dati kaya natakot kami at hindi na naming sila dinischarge,” ang nakakapangilabot na kweto ni Vie-ann, ang matagal ng nars doon.
            Nagulat ako at humingi ng pahintulot na kung maaari’y pasukin ko iyon. Pumayag naman siya ngunit hindi ko siya dapat isumbomg pagkat pinagbabawal iyon.
            Pagpasok ko palang sa kwartong iyon ay naramdaman ko na agad ang Aura na naglalaro sa paligid. Pakiramdam ko’y bumalik na naman ako sa mundo namin. Pinagmasdan ko ang dalawang taong nakaratay sa mga higaan. Ang pagkakakapit ng kanilang mga kama’ sa isa’t isa ay para bang mga batang ayaw humiwalay sa kanilang mga magulang. Lumapit ako sa babae at pinagmasdan ang kanyang pisikal na anyo. Maganda siya at kahit walang malay ay hindi natitinag ang mga ngiti na kanyang mga labi. Napansin kong ang kanyang isang kamay ay nakabukas, na bahagya kong nakikita ang kanyang palad. Napaluhod ako habang hinahawakan ang kanyang mga palad. Tiningnan ko ang aking palad at parehong parehong sila ng marka.
            “Ina!” ang aking bigkas at hindi ko namalayan ang paghulog ng mga butil ng luha sa aking mga mata.
            Naisip ko ang palatandaan ng kay ama kayat minabuti kong tingnan ito. Laking gulat ko ng Makita ko ang marka ng isang leon na may pakpak sa kanyang dibdib. Humagulgol ako. Hindi ko alam kung ibig sabihin ng aking pag-iyak. Ito ba’y dahil sa sakit at lungkot na nadarama pagkat ang aking mga magulang ay matagal ng naghihirap sa pagkakaratay o dahil sa tuwa’t galak na sa wakas ay nakita at nahawakan ko na ang aking tunay na ama’t ina.
            Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Hinawakan ko ang kamay ng aking ina at hinalikan ang kanyang noo. Nagbabakasakaling maibalik ko pa sila sa dati. Ilang sandal pa’y humigpit ang pagkakahawak ni ina sa akin at ang kanyang mga mata’y unti-unti ng bumukas.
            “Anak salamat at ika’y dumating. Iligtas mo ang iyong ama. Hawakan mo ang kanyang dibdib at halikan ang kanyang noon g sa ganoon,siya’y gumising,” ani ni Ina.
            Ginawa ko ang bilin ni ina at di naglaon ay parang may mainit na bumabalot sa aking katawan. Yinayakap pala ako ni ama’t ina.
            Mula noon ay nagpaalam na ako kay Jyno at ng kanyang pamilya, sa lahat ng naging parte ng buhay ko sa mundo ng mga tao at lalong-lalo na sa Private Room 21. Ang kwartong nagkupkop sa aking mga magulang at inalagaan ang kanilang tunay na pagmamahalan at higit sa lahat ita ang lugar kung saan nabuo ang inaasam-asam kong pamilya.
            Bumalik ako sa bundok Olympus kasama ng aking matagumpay na misyon.

Wakas




No comments:

Post a Comment